ni Ed de Leon
SALAMAT naman sa Diyos at maganda na talaga ang kalagayan ni Kuya Germs matapos ang mild stroke na tumama sa kanya. Noong isang araw ay nailipat na siya sa isang private room sa ospital mula sa intensive care unit. Sinasabing mga ilang araw na lang siguro ay papayagan na siyang umuwi sa bahay, pero kailangang ituloy pa rin ang kanyang therapy, hindi pa rin kasi niya maigalaw ng normal ang kanang kamay. Pero sabi nga rin ng kanyang mga doctor magiging normal naman ang lahat ng iyon in no time at all.
Aminado na rin naman si Kuya Germs na ang naging dahilan ng kanyang pagkakaroon ng mild stroke ay iyong sobra rin niyang trabaho. Aminado na siya ngayon na kailangan din naman niyang mag-slow down.
Isipin ninyo iyang Walang Tulugan, ang ginagawa nila riyan dalawang shows per taping day. Kasi nga nakatitipid sila sa production cost kung ganoon. Nakatitipid din sa manpower dahil isang set up na lang ng studio ang nangyayari. Pero kung minsan, inaabot sila ng hanggang 4:00 a.m. para matapos iyon. Isipin ninyo iyong “walang tulugan” talagang nangyayaring iyon.
Natural kasi kung puyat na ang isang tao, bawas na rin ang efficiency, kaya natural mas bumabagal ang kanilang trabaho, hanggang abutin na nga sila ng umaga. Hindi lang pagod, matinding pressure iyon para kay Kuya Germs, na siya namang producer in fact ng kanyang show. May executive producers naman ang network, pero si Kuya Germs pa rin naman ang nag-iisip ng lahat.
Siguro nga sa pagbabalik ni Kuya Germs sa kanyang show, hindi na puwede iyang ganyang style. Mahirap na sa kanya ang magpuyat pa. Mahirap na rin para sa kanya ang masyadong mapagod, at lalo na ang makunsumi. Hindi lang halata basta nasa harap na ng camera si Kuya Germs, pero marami rin namang konsumisyon iyang show niya behind the scene. Kagaya ng kung late dumarating ang kanyang guests kaya sa halip na tuloy-tuloy ang taping, minsan natitigil dahil sa paghihintay ng guests.
Iyon din ang dahilan kung bakit napakarami niyang dini-discover, kasi nga gusto niyang mapatakbo ang show na “self contained”, iyong hindi umaasa sa guests.