PAGBABA NI TATAY AY NALUBOS ANG PAGKAKAISA NILA PERO NAIWAN AKO
Nagbaba ng armas si Itay pero hindi niya isinaisantabi ang prinsipyo at ideolohi-yang gumagabay sa kanyang kamulatang pampolitika. At mula sa pamumundok ay para siyang ibon na nabalian ng pakpak at sa aming bahay nga dumapo. Dahil halos galugad niya ang buong erya ng Tondo-CAMANAVA kaya roon siya muling itinalagang organisador-instruktor. Ang ipinagtaka ko lang, pati na ang misis kong si Nancy ay nakikiupo sa pagti-teach-in niya sa aming bahay, kasama ang ilang mga kabataang lalaki at babae na tagapakinig.
Nilagom ni Itay ang mga pangyayari bago naganap at natapos ang EDSA Revolution. At binalikan din niya sa gunita ang alaala ng “Mendiola Massacre” na pinagbuwisan ng dugo at buhay ng mga raliyistang nagsagawa ng kilos-protesta sa Malakanyang noong Enero 22, 1987.
“Hindi pa tapos ang pakikibaka ng uring api sa naghaharing uri…” ang binig-yang diin ni Itay.
Kinausap ko nang masinsinan si Nancy pagkaalis ng mga kabataang lalaki at babae na karamihan ay estudyante ng iba’t ibang pamantasan.
“Isinasama ka pala nina Tatay at Nanay sa mga E-D (pag-aaral) at talakayan…” ang nasabi ko sa aking asawa na may bahid ng paninita.
“Ako ang nagkukusa …” sagot niya.
“Kaya pala may mga oras na wala ka sa bahay…” dugtong ko pa.
“Ayaw mo bang lumalim ang kamulatan ko sa mga isyung pampolitika at pang-ekonomiya na umiiral sa ating bansa?” tanong niya sa akin.
“B-baka kasi dumating ang araw na matulad ang binubuo nating pamilya sa naging takbo ng buhay namin nina Inay at Itay… Noon pa mang musmos ako… Nu’ng mga panahong naghahanap ako ng oras at kalinga mula sa kanila na mga magulang ko,” ang naibulalas ko sa kanya.
“Bakit? Epti (FT: full time) rin ba si Na-nay Donata tulad ni Tatay Armando?” pag-uusisa niya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia