Ang lupit ng kamandag ni Peter Co
hataw tabloid
January 7, 2015
Bulabugin
TOTOO nga yata ang kasabihan, walang tunay na demokrasya at daang matuwid sa sikmurang kumakalam.
O kaya naman walang tunay na demokrasya at daang matuwid sa maluhong pamumuhay.
Sa mga kasabihang iyan daw makikita ang ‘napakatapang’ na kamandag ni convicted drug lord Wu Tuan Yuan a.k.a. Peter Co.
Mantakin n’yo, kahit nailipat na sa NBI detention cell ay nagagawa pa rin niyang magpuslit ng kuwarta sa loob?!
Kung ang pagtatayo ng Babel (Tore sa Biblia) ay nabigong matapos nang hindi nagkaunawaan ang mga gumagawa dahil sa iba-ibang lengguwahe, dito kay Peter Co, iisa lang ang ginagamit niyang lengguwahe.
Kahit hindi bumukas ang kanyang bibig pero kapag lumatag na ang ‘drug money’ nagkakaintindihan lahat.
Ganyan kadulas ang kuwarta ni Peter Co mula sa droga.
May isang panahon na nagpapa-operate pa ang damuhong ito sa media para banatan ang ilang Bucor official.
Kaya hindi tayo nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay marami ang sumasangga pabor sa kanya sa iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan.
At kung hahayaan at kakaang-kaang lang ang hahawak ng imbestigasyon sa National Bilibid Prison (NBP) tiyak kayang-kaya silang paikutin ni Peter Co.
Ibig natin sabihin, kalat na ang kamandag na ala-mafia ni Peter Co kaya mas makabubuting ang humawak ng imbestigasyon dito ‘e ‘yung walang konek sa mga kilalang kakonek ng mga opisyal o taong natukoy na sangkot sa iba’t ibang uri ng kontsabahan sa loob ng Bilibid.
In short, huwag kayong masilaw sa sandamakmak na kuwartang ilalatag sa harapan ninyo ni Peter Co!
‘Yun lang!