ni Ed de Leon
WALA kaming worries, alam namin na kung nagkaroon man ng mild stroke si Kuya Germs, pahinga lang ang kailangan at babalik iyan sa rati. Kasi sa totoo lang wala namang sakit iyang si Kuya Germs eh. Taon-taon sumasailalim iyan sa executive check up, wala namang nakikitang sakit. Kung biruin nga namin iyan mabuti pa siya, ang maintenance medicines niya vitamins lang. Ang pinakamalalang sakit na nasabi niyan sa amin ay sipon, at minsan sumakit din ang ngipin. Other than that, wala kaming alam na sakit ni Kuya Germs.
Kaya nga nagulat nga kami nang i-text kami at sabihing si Kuya Germs nga ay nagkaroon ng stroke at isinugod sa ospital noong hapong iyon. Immediately we made calls. Sabi naman sa amin ni Chuchi Fajardo, ok naman daw si Kuya Germs. Kailangan lang magpahinga at obserbahan pa ng doctor for the next 24 hours, dahil SOP naman iyon sa ospital. A day after, may natanggap naman kaming tawag mula kay Tito Noli na nagsabi rin sa amin, walang worries, ok lang ang sitwasyon. At iyang dalawang iyan ang masasabi nating mga taong “closest” kay Kuya Germs.
Hindi na namin binalak na puntahan si Kuya Germs. Kasi kung may dadalaw pa riyan sa ngayon, magkukuwento pa iyan ng kung ano-ano at lalo siyang hindi makapagpapahinga. Sa ganyang sitwasyon, at alam namin iyan dahil apat na beses na naming na-survive ang sitwasyong ganyan, kailangan talaga sa pasyente ang magpahinga, huwag makunsumi at huwag na munang makarinig ng kung ano-ano para makapag-relax. Eh alam naman ninyo si Kuya Germs, problema niya ang problema ng buong industriya. Kasi lahat halos ng mga artistang may problema siya ang takbuhan eh.
Sa kanya nanghihingi ng opinion ang marami. Sa kanya nakikiusap na ayusin ang ibang mga problema. Huwag na nating banggitin pa ang mga nangungutang.
Pahinga lang ang kailangan ni Kuya Germs, at tapos balik na naman iyan sa rati. At saka na lang kami makikipagkuwentuhan sa kanya kung nakapag-relax na siya ng husto.