ni Danny Vibas
NAPANOOD na rin namin sa wakas ang English Only, Please, at oo nga mas deserving naman pala talaga sina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay kaysa kina Vina Morales at Robin Padilla na magwaging Best Actress at Best Actor, respectively sa 40th Metro Manila Film Festival—pero mas deserved talaga ng Bonifacio: Unang Pangulo nina Vina at Robin na manalong Best Picture.
Ang galing-galing naman pala talaga nina Jennylyn at Derek. Natural na natural ang acting nila bilang Tere at Julian. Nakamumuhi at kadiri ang pagkasabik at gutom sa sex ni Tere sa rati niyang boyfriend na si Rico (na napakaepektibo ring ginampanan ni Kean Cipriano) na sex at mga regalong mamahalin lang naman ang habol sa kanya. Nakagagalit din ang mistulang pagpapaloko n’ya sa pamilya na akala n’ya ay ginagamit ang perang ipinadadala n’ya sa pagpapalaki ng bahay nila sa Bulacan pero nilalaspag lang pala sa kung saan (pati na sa paglalasing at pagsusugal ng kapatid n’yang lalaking batugan). Ni hindi n’ya sinumbatan ang nanay at mga kapatid n’ya sa pagdispalko ng perang pampalaki sana ng bahay nila na ni walang palitada ang dingding. Halos tuwing nagkikita sila ni Rico ay nagsi-sex sila sa motel at si Tere pa ang nagbabayad ng motel.
Si Julian ay nakamumuhi rin na bumalik lang sa Pilipinas para pamukhaan ang girlfriend n’yang purong Pinay (samantalang siya naman ay isang anak ng Kano at lumaki sa US) na bigla siyang nilayasan sa Amerika at nagbalik din sa bansa.
Pero may sense of humor si Tere at napakaseksi ni Jennylyn at mukhang disente pa rin kahit na lagi siyang naka-mini-skirt at kita ang cleavage.
Hindi siya mukhang pakangkang sa motel at nagreregalo sa lalaki.
Si Derek naman ay ang guwapo, ang sexy pati boses, at hindi halatang magsi-50-anyos na yata.
Dahil sa mga hitsura at acting nina Jennylyn at Derek, hindi maiisip ng viewers na kamuhi-muhi at kadiring mga personalidad ang ginagampanan nila. At ginawa talagang comedy ang script ng pelikula, para nga siguro hindi mapuna ng viewers na mga balahura ang mga tauhan ng istorya. Halos lahat ng eksena na naroon si Jennylyn ay nakahahagalpak sa tawa. Pero pati supporting characters sa pelikula ay mga sabik din sa lalaki. Halimbawa ay ‘yung bestfriend ni Tere na ginampanan ng elepanteng si Cai Cortes ay balahura rin: kahit na may anak na siya sa pagkadalaga, sabik na sabik pa rin siya sa lalaki, at nakikipaghalikan at nakikipaglamasan siya sa lalaki kahit na kakikilala pa lang n’ya ito.