ni Ed de Leon
HANGGANG ngayon, wala pa ring aksiyon ang mga organizer ng count down concert na ibinitin ni Chris Brown. Noong una, mabilis silang nagsabing “no refund”. Pero maling pasimulan iyan. Iyang concert tickets ay parang kontrata rin iyan. Binayaran iyan ng mga tao sa kasunduang ipalalabas mo ang mga artist na sinasabi mo. Kung hindi mo naibigay ang palabas na sinasabi mo, violation iyon ng isang agreement. Hindi ka maaaring mag-terminate ng isang agreement unilaterally. Legally liable ka riyan.
Ang pinakamagandang magagawa riyan ay mag-refund sila ng bayad doon sa mga magrereklamo. Kung mayroon namang nasiyahan din kahit wala si Chris Brown at hindi umangal, ok na iyon. Pero hindi masasabing “natuloy din naman ang concert kahit wala si Chris Brown”.
O sasabihin ninyong “isa lang naman si Chris Brown sa mga performer”.
Alalahanin ninyo, nagbayad ng malaki ang mga tao at dumayo pa sa napakalayong venue sa Bulacan hindi para mapanood sina Sam Concepcion o si Enrique Gil kundi dahil kay Chris Brown.
Masamang simula iyan. Kung wala mang magharap ng kasong legal, madadala ang mga tao at sa susunod na mag-produce silang muli ng concerts o anumang shows, baka wala nang bumili ng tickets nila knowing na sa una pa lang sumabit na sila at ayaw nilang mag-refund kahit na sumabit.
Kung binayaran man nila si Chris Brown kagaya ng sinasabi nila, ibang kaso iyon at siya ang habulin nila, pero iyong obligasyon nila sa mga napagbilhan nila ng tickets kailangang ayusin nila.