ITINAAS na sa Code White Alert, ang pinakamataan na antas ng alerto ng Department of Health (DoH), ang lahat ng pampublikong pagamutan sa buong bansa bilang paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang inihayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. kasabay ng panawagan sa publiko na makiisa sa pag-iwas sa paggamit ng mapaminsalang paputok at salubungin ang Bagong Taon nang ligtas at malayo sa anomang kapahamakan.
Kaisa aniya ang Palasyo ng DoH sa paghimok sa mamamayan na gumamit ng mga alternatibong pamamaraan ng pagdiriwang, tulad ng maingay na musika, pagpalo sa kaldero, paggamit ng torotot at maging ang pagdaraos ng kasiyahan sa kalye o street parties sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa paunang tala ng DoH National Epidemiology Center dahil sa
pinaigting na kampanyang ‘Iwas Paputok,’ bumaba nang 43 porsyento ang bilang ng mga biktima ng paputok kung ihahambing noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 113 ang naitalang kaso ng
firecracker-related injuries na nakalap mula sa iba’t ibang pagamutan sa buong bansa.
Patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan ng DoH sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng DILG (Department of Interior and Local Government) at ng pambansang pulisya upang mapigilan ang pagdaragdag ng mga biktima ng paputok at maipamulat sa mga magulang ang panganib na dulot
ng mga paputok sa buhay ng kanilang mga anak.
Rose Novenario