KINOMPIRMA ng New Peoples Army (NPA), nasa kanilang kustodiya ang dinukot na provincial jail warden ng Compostela Valley na si Jose Mervin Coquilla makaraan dukutin noong Disyembre 23 sa labas ng kanyang bahay sa Panabo City.
Ayon sa isang nagpakilalang tagapagsalita ng NPA na isang Aris Francisco, hawak nila si Coquilla at kanilang isasailalim sa imbestigasyon.
Ito’y batay sa isang pahayag na ipinadala ng tagapagsalita ng NPA sa pamamagitan ng electronic mail (e-mail)
Sinabi ni Francisco, dagsa ang reklamo na kanilang natatanggap hinggil sa maanomalyang mga aktibidad ni Coquilla bilang pinuno ng provincial jail.
Kabilang sa inihaing mga reklamo ng ilang complainants laban kay Coquilla ay ang mga sumusunod: “willful negligence in the supervision of inmates; his direct and indirect, overt and covert participation in drug trade at ang paggamit ng illegal na droga sa loob ng Compostela Valley jail.”
Inihayag din ni Francisco na bukod sa nasabing mga illegal na aktibidad, corrupt din aniya ang nasabing opisyal at kinukunsinte ang ‘physical abuse’ ng jail guards sa mga preso.
Samantala, inihayag ni Chief Insp. Levitico Estay, Davao del Norte police spokesperson, nais ng NPA na magkaroon ng ‘swapping’ sa isa nilang miyembro na nakakulong sa Compostela Valley provincial rehabilitation.
Ito’y batay sa naging pahayag ng asawa ni Coquilla na unang pinalaya ng NPA. Bilin aniya sa kanya na nais nilang mapalaya ang isa nilang kasamahan.
Ngunit tumangging pangalanan ni Estay kung sinong NPA inmate ang nais nilang palayain.