ni Ed de Leon
TATLONG pelikula ang sinasabing naglalabanan sa Metro Manila Film Festival, hindi sa pagandahan kundi sa laki ng kinita, iyong Private Benjamin 2, Feng Shui ni Coco Martin, at pelikula ni Vic Sotto. Ang maganda pang balita, ngayon ay walang pelikulang inalisan ng sinehan sa first day ng festival. Ibig sabihin maging ang mga mahihinang pelikula ay kumikita rin kahit na paano. Ibig sabihin din, talagang nag-iisa lamang ang “Pull Out Queen”.
Wala pang opisyal na figures ang MMFF, na inaasahan namang ilalabas nila ngayong araw na ito kung kailan idedeklara nila ang top grosser ng unang dalawang araw ng festival. Kung minsan may mga umaangal diyan, kasi nga nagdedeklara sila ng top grosser sa ikalawang araw pa lamang ng festival na tumatagal ng 10 araw. May nagsasabing bakit nga ba two days lang ang basehan eh napatunayan na naman noong mga nakaraang panahon na hindi naman masasabing ang top grosser sa unang dalawang araw ang nananatiling top grosser hanggang sa katapusan ng festival.
Ang katuwiran naman kasi riyan, hinahabol nila ang kanilang awards night. Pero iyang top grosser, hindi naman iyan award for excellence, kaya siguro tama rin iyong sinasabi ng ilan na ang top grosser ay ideklara pagkatapos ng 10 araw na festival. Doon mo lang kasi malalaman kung sino talaga ang top grosser. Isa pa, iyong deklarasyon ay batay lamang sa kita sa mga sinehan sa Metro Manila. Eh sa karamihan sa mga pelikula ay palabas na sa mga key cities ng bansa. Nationwide release na iyan para maunahan ang mga pirata. Kaya minsan may nagdedeklara ring top grosser sila ng festival, pero may kontra deklarasyon ang iba na mas kumita sila dahil sa kanilang provincial release.
Noong makausap namin ang ilang theater bookers noong gabi ng Pasko, pare-pareho sila ng sinasabi na ang may pinakamalaking kita ay iyong pelikula ni Vice Ganda, pero hindi pa rin masasabing suwerte talaga siya dahil noong araw mismo ng Pasko, namatay din ang lolo niya. Kung sa bagay shooting pa lang ng pelikula nila sinasabi ng may sakit ang lolo niya.
Hindi namin hawak ang figures, pero may isang theater manager na nagsabi sa amin na naglalaban sa pangalawang puwesto ang pelikula nina Coco at Vic. Pero sinasabi niyang “pulling away” na raw sa takilya ang pelikula ni Vice. Ano ba naman iyan, iyong salitang “pulling away” o kung minsan ay sinasabing “patok”, sa karerahan lang ginagamit iyan.
Please, huwag na ninyong itanong sa amin kung anong pelikula iyong mangungulila kayo sa loob ng sinehan oras na pinanood ninyo. Basta masaya kami dahil walang pelikulang na-pull out sa first day ng festival, ibig sabihin, talagang matibay pa rin ang puwesto ng “nag-iisang pull out queen”.