UMAPELA si suspected communist leader Andrea Rosal kay Pope Francis upang mamagitan para sa kanyang paglaya mula sa pagkakakulong.
Inihayag ng rights group na SELDA, habang nakakulong sa Taguig City Jail, sumulat si Rosal kay Pope Francis para gawan ng paraan ang kanyang paglaya.
Nakasaad sa kanyang sulat na naniniwala siyang may magagawa ang Santo Papa at umaasang ikokonsidera ang kanyang apela.
Dagdag ni Rosal, dahil itinuring ng gobyerno bilang kaaway ang kanyang magulang na si dating NPA spokesman ‘Ka Roger’ Rosal, inaresto at ikinulong na rin siya ‘by affiliation’ sa kabila ng kanyang pagbubuntis.
Si Rosal ay naaresto noong Marso sa Caloocan City at habang nakakulong, nanganak siya sa Philippine General Hospital ngunit namatay ang anak na baby girl dahil sa oxygen deficiency.