BUMABA ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa selebrasyon ng Pasko ngayong taon kung ihahambing noong 2013.
Sinabi ni Department of Health (DoH) acting Sec. Janette Garin, batay sa kanilang monitoring sa 50 sentinel hospitals ng DoH, umabot sa 30 ang naitalang naputukan simula noong Disyembre 21.
Sa naturang bilang ay 25 ang minor ang sugat, dalawa ang naputulan ng daliri at tatlo ang nasugatan sa mata at may posibleng mabulag.
Ayon kay Garin, 70 porsyento sa mga naputukan sa buong bansa ay gumamit ng piccolo.
20 sugatan sa paputok (Sa Bicol)
LEGAZPI CITY – Umabot na sa 20 ang bilang ng mga naputukan sa buong Bicol Region.
Ayon kay Archt. Marco Marcellana ng Department of Health (DOH)-Bicol, 17 ang kompirmado habang tatlo pang kaso ang patuloy na benebiripika.
Base sa tala ng DoH-Bicol, karamihan sa mga biktima ay mga bata at ito ay dahil sa ipinagbabawal na klase ng paputok na Piccolo.
Nangunguna ang lalawigan ng Albay sa may pinakamataas na bilang na nasa walo; Masbate at Camarines Norte, apat; Camarines Sur, tatlo; Sorsogon na may isang kaso; habang wala pang naitatala sa lalawigan ng Catanduanes.
Pinakabata sa mga biktima ay ang isang taon gulang na sanggol habang karamihan sa sugat ay sa kamay lamang tinamaan.