NAGPALABAS ng writ of execution ang Pasig regional trial court para sa permanent restraining order na inisyu nito laban sa negosyanteng si Reghis Romero II at dalawa pang kompanya kaugnay sa operasyon sa Harbor Centre facility sa Tondo, Maynila.
Kabilang sa mga pinagbawalan ng korte sina Jemore Canlas, Amelia Lazaro, Ma. Leah Hernandez, Deo R. Olvina Jr., James Lomeda, Iran Servillon, Alex Alindogan, Julie Quiozon, Carlo Solis, Fryan Valdez, Raymund Fran, Katherine Modesto, James Santiago, Norman Castillo, Nani Pineda, Bienvenido Latag, Kenneth Sodevilla, Jun Nombres, Michelle Estrada at Jennifer Olaer.
Inatasan ni Judge Rolando Mislang ng Pasig RTC Branch 167 ang Branch Court Sheriff na ipatupad agad ang writ of execution na ipinalabas noong Disyembre 19.
Ibinasura rin ng korte ang lahat ng legal impediments sa pagbabalik sa One Source Port Services Incorporated upang pangasiwaan ang operasyon.
Alinsunod sa writ of execution, inatasan ni Mislang si Romero at ang dalawang kompanyang R-II Builders Inc., at R-II Holdings Inc., upang itigil ang panghihimasok sa operasyon ng sampung ektaryang Harbour Centre terminal facility sa Vitas, Tondo.
Pinatitigil si Romero na magpakilalang may-ari ng Harbour Center Port Terminal at gayon din ang pangongolekta at pagtanggap ng pondo.
Pinagbawalan ang negosyante na pumasok sa pasilidad nang walang pahintulot ng One Source.
Una nang hiniling ng One Source sa pamamagitan ng legal counsel na si Ryann Macapagal ang smooth turnover ng management at operasyon sa Harbour Center upang maiwasan ang karahasan.
Tahimik pa ang kampo ni Romero ukol sa writ of execution ng Pasig RTC 167.