GENERAL SANTOS CITY – Malabong mangyari ang panawagan ni dating Sen. Rene Saguisag na suspensiyon sa Kamara kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ito ang pananaw ni Atty. Luis Salazar, isang kilalang abogado, makaraan lumabas ang naging panawagan ng abogado na isuspinde si Cong. Pacquiao bunsod nang pagiging may pinakamaraming absences sa Kongreso at dahil hindi niya masyadong natututukan ang trabaho bilang isang mambabatas.
Ayon kay Atty. Salazar, isang personal na opinyon lamang ang naturang panawagan ni Saguisag, lalo na’t demokrasya ang ipinatutupad sa bansa.
Aniya, kung mayroon mang naging pagkukulang si Pacquiao o kaya ay matinding pagkakasala, dapat ay residente o botante mula sa Sarangani o kaya ay kasamahan niyang kongresista ang siyang maghahain ng reklamo o panawagan sa Kongreso upang doon talakayin kung ito ay may merito o sapat na basehan.
Ngunit sa kasalukuyan, walang natatanggap na mga reklamo laban kay Manny, at sa katunayan ay mahal siya ng mga taga-Sarangani at kontento rin sila sa serbisyong naibibigay ng kongresista.
Igiinit din ni Atty. Salazar na hindi lang naman si Cong. Pacquiao ang may maraming liban sa Kongreso.