INIHIRIT ng kampo ng napatay na transgender na si Jennifer Laude na mag-inhibit ang huwes na may hawak sa nasabing kaso.
Sa press conference nitong Lunes ng hapon, ibinigay na dahilan para sa mosyon ng legal counsel ng mga Laude, ang pagiging magkaklase s a San Beda Law School ni Judge Roline Jabalde at ang abogado ni US Marine Joseph Scott Pemberton na si Rowena Garcia-Flores.
“Nagsabi ang public prosecutor na ipai-inhibit nga si judge at ipa-file ‘yung motion to inhibit na ‘yun not later than January 5,” pahayag ni Atty. Virgie Suarez.
Sinasabing magkaklase rin ang asawa nina Prosecutor Emilie delos Santos at Jabalde sa Law school.
Sakaling mag-inhibit ang huwes, muling ira-raffle ang kaso para matukoy ang hukom na hahawak nito.
Sinabi ni Suarez, haharangin din nila ang ‘petition for review’ ng kampo ni Pemberton.
“[It] is actually an appeal na kino-question ‘yung resolution ng public prosecution na murder [case] dahil ang gusto nga nila ay homicide. Of course, we will file the necessary opposition… We believe na overwhelming ang evidence para sa charge na murder.”
Habang sinabi ni Atty. Harry Roque, hini-ling din ng kampo ni Jennifer Laude na maikulong sa Olongapo ang Amerikanong suspek at payagan ang live streaming o kaya’y media coverage sa pagdinig. (HNT)