HINATULAN ng habambuhay na pagkakabilanggo ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 5 ang pa-ngunahing akusado sa pagdukot at pagpatay sa 5-anyos Filipino-Chinese at sa yaya noong Oktubre ng taon 2000.
Napaluha ang ina ng 5-anyos biktima na si Emily Chuang nang mabatid na makakamit na nila ang katarungan makalipas ang 14 taon pagdinig sa kaso.
Batay sa desisyon ni Judge Emily San Gaspar-Gito, hinatulan ng habambuhay si Monico Santos, habang 15 taon pagkakakulong para sa kasabwat na si Francis Canosa, na siyang nagmaneho ng ginamit na taxi.
Nakatala sa record ng korte na gumawa ng plano ang dalawa para sa pagdukot sa biktimang si Eunice Kaye Chuang mula sa paaralan sa Binondo, Maynila, na pinagdukutan din nila sa yaya na si Jovita Montecino.
Sa kabila ng ibinayad na P300,000 ransom, natagpuan ng mga awtoridad ang walang buhay na bata sa kisame ng bahay ng mga kidnapper sa Malolos, Bulacan, habang natagpuan ding patay ang yaya.