MARIING binatikos ni Senador Grace Poe ang inianunsyong taas-pasahe ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Giit ng senador, hindi makatwiran at hindi napapanahon ang pagtaas ng pasahe na itinakdang sumalubong sa mananakay sa Enero 4.
“We must remember that a mass transport system such as the MRT is an essential government service. The fare increase is an added insult and an injustice to the suffering riding public whose very lives are put on the line everyday,” dagdag ng senador.
Magugunitang lumitaw sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services ni Poe na bagsak ang grado ng mga istasyon ng MRT. Bukod sa mahabang pila, hindi gumagana ang karamihan sa elevators at escalators nito at problema rin ang paggamit sa palikuran.
Kaya ani Poe, “The sorry state of the MRT brought about to a large extent by government mismanagement and ineptness cannot justify an increase. The government is obligated to maintain the subsidy until the system’s services and safety are upgraded.”
Binatikos din niya ang hindi pagtalakay ng pamunuan ng MRT sa nakakasa na palang taas-pasahe sa pagdinig ng Senado. “How could they be so insensitive to the millions of commuters and MRT, LRT riders?”
Panukala ng senador, magsagawa ng panibagong konsultasyon sa taas-pasahe.
Hirit ni Poe ibinasura
IBINASURA ng Malacanang ang apela ni Sen. Grace Poe-Llamanzares na pigilan ang MRFT/LRT fare hike hangga’t hindi naaayos ang serbisyo lalo sa MRT.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, patuloy ang pagsisikap ng gobyerno para maisaayos ang operasyon ng MRT at LRT partikular sa power system, maintenance at pagpapalit ng nasisirang metal tracks.
Ayon kay Coloma, kailangang habang kinukumpuni at pinahuhusay ang serbisyo ng MRT at LRT, dapat na ring tugunan ang isyu ng singil sa pamasahe.
Matagal na aniyang nakabinbin ang pagtataas sa pamasahe ng MRT at LRT na aprubado na sa nakaraang administrasyon ngunit naaantala dahil sa ilang konsiderasyon.
Rose Novenario
Special Session vs fare hike tinutulan ng Palasyo
MARIING tinutulan ng Malacanang ang hirit ng ilang kongresista na dapat magkasa ng special session ang Kamara ngayong Christmas break upang mabatid kung may pangangailangan na magtaas sa singil ng MRT at LRT.
Magugunitang kinuwestiyon ng Bayan Muna, ang anunsyo ng DoTC na magtaas sa singil sa MRT at LRT sa Enero 4, sa pagsasabing hindi dapat ipinapasa ng pamahalaan sa mga mananakay ang pagkalugi ng MRT at LRT dahil sa kapabayaan ng mga dating may-ari nito.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, wala nang dapat siyasatin hinggil sa naturang usapin dahil may batayan at makatwiran ang pagtataas sa singil sa pasahe na matagal nang dapat ipinatupad.
Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Coloma na ipauubaya nila sa liderato ng Kamara ang desisyon sa giit ng Bayan Muna at handa ang pamahalaan na ipagtanggol ang desisyon nitong itaas ang pasahe ng MRT at LRT.