GAANO ba ka-consistent ang moralidad ni dating congressman Benny Abante sa usapin ng sinasabi niyang obscenity?
Itinatanong po natin ito kaugnay ng kanyang pagsasampa ng kaso laban sa malalaking glossy companies gaya ng FHM, Maxim, Playboy at sa pahayagang HATAW ng kasong Violation of Art. 201, Par. 3 of the RPC as Amended by PD 960 & 969 dahil daw sa mga inilathalang kababaihan na ang saplot lamang sa katawan ay two-piece na bikini.
Ilang taon din pong natulog sa piskalya ang nasabing kaso at nakahanda na kaming maghain ng pagpapa-dismiss pero nagulat kami nang biglang makatanggap ng subpoena dahil nai-raffle na raw ang nasabing kaso.
In short po, nililitis na ang kasong ito.
Hindi ko po tatalakayin kung ano ang nangyari sa paglilitis ng nasabing kaso.
Ang gusto po natin pag-usapan, ang consistency ni Mr. Abante, kung siya nga ay tunay na moralista.
Sa kasalukuyan ay mayroon pang printed materials na kumakalat sa kalye na talagang nakabuyangyang ang kabuuan ng lalaki at babae sa isang napakasagwang itsura.
Bukod d’yan, ilang pagkakataon na nagkalat sa mga social network ang iba’t ibang uri ng kalaswaan, pribado at publiko.
Nagsalita ba tungkol dito si Mr. Abante? O naghain ba siya ng reklamo laban sa nasabing printed materials at social media?
Sa totoo lang, pagkatapos niyang sampahan ng kaso ang glossy magazines at ang HATAW, hindi na namin nakita si Mr. Abante o kinatawan man lang ng kanyang organisasyon na kasamang nagsampa ng kaso.
Ayaw rin natin paniwalaan ang tsismis na sanggang-dikit ngayon ni Mr. Abante ang ilang naglalabas ng ‘masasagwang’ printed materials na tumutulong umano sa kanyang planong kandidatura sa 2016 kaya hindi niya masampahan ng kaso.
At ang isang ipinagtataka natin, bakit hindi maging advocate si Mr. Abante ng krusada laban sa ilegal na droga gayong ang kanyang komunidad ay bantad sa ganitong reputasyon.
Hindi ba natatakot si Mr. Abante na baka isang araw, isang malapit na kapamilya niya ang mabiktima ng ilegal na droga?!
At kung talagang gusto naman niyang maging advocate laban sa mga sinasabi niyang kalaswaan, bakit hindi niya unahin ang mga namumutiktik na beer houses at fun houses sa kanyang distrito na ang pangunahing parokyano ay maliliit nating kababayan na ang trabaho ay pedicab and tricycle driver, jeepney and taxi driver at ‘yung iba naman ay construction workers.
Bukod sa pwede silang makakuha ng sakit sa mga lugar na ‘yan, ‘e mauubos pa ang kakarampot na kita nila na dapat ay ilaan nila sa kanilang pamilya.
‘Yan naman ‘e kung seryoso ka talaga, Mr. Benny Abante.
‘E parang hindi naman.
Ginamit mo lang ang pagsasampa ng kaso sa mga pagpapapogi mo pero hindi naman pala totoo sa iyong puso.
Please be consistent, Mr. Abante!