MAKIKIPAGPULONG si Pope Francis sa 10 pinuno ng iba’t ibang relihiyon sa kanyang unang pagbisita sa bansa sa Enero 2015.
Sa press briefing kahapon, inianunsyo ng Papal Visit Committee na kabilang sa makakausap ng pinuno ng simbahan sina dating Chief Justice Reynato Puno, chairperson ng Philippine Bible Society; Imam Council of the Philippines Chair Imam Ibrahim Moxir; Bishop Cesar Vicente Punzalan ng Philippine Evangelical Church; at Lilian Sison ng University of Santo Tomas (UST) at advocate ng inter-faith dialogue.
Makasasalamuha rin ng Santo Papa ang mga pinuno ng relihiyon ng Judaismo, Hinduismo at taga-National Council of Churches of the Philippines.
Ayon kay Father Carlos Reyes, bukod sa mga pinuno, makahaharap din ni Pope Francis sa UST ang isang college student, isang out-of-school youth at isang youth volunteer noong Bagyong Yolanda.
Sinabi ni Reyes, ang pakikipag-usap ng Santo Papa sa mga lider ang unang aktibidad niya sa pagbisita sa UST.
Hindi nabanggit ang mga paksang pag-uusapan sa pagkikita ngunit inaasahang sesentro ito sa tema ng Papal visit na “mercy and compassion.”
Gaganapin ang pagkikita ng mga lider sa UST sa Enero 18.