MAKARAAN sumailalim sa booking procedure, ipinalabas na ng Philippine National Police (PNP) sa Olongapo City ang kuhang mugshots ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Si Pemberton ay nahaharap sa kasong murder dahil sa pagpatay sa Filipino transgender na si Jeffrey Laude a.k.a. Jennifer noong Oktubre 11.
Sa pagtungo ni Pemberton sa Olongapo City Regional Trial Court nitong Biyernes, hindi siya nabasahan ng sakdal ngunit sumailalim siya sa booking procedure gaya ng pagkuha ng mugshots, finger printing at physical and medical examination.
Gwardiyado si Pemberton ng mga tauhan ng US Naval Criminal Investigation Service (NCIS) nang magtungo siya sa korte hanggang maibalik sa kanyang kulungan sa Kampo Aguinaldo.
Sa kabilang dako, tinanggihan ng United States government ang hiling ng Philippine government na ilipat ang kustodiya ni Pemberton na kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng JUSMAG sa loob ng AFP headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Ngayong Lunes, Disyembre 22, itinakda ng korte ang arraignment sa kaso ni Pemberton.
Inaasahan na rin ang paghigpit ng seguridad ng mga operatiba ng PNP partikular sa bisinidad ng Olongapo City Regional Trial Court.