INIHIWALAY na ang limang inmates ng New Bilibid Prison (NBP) na positibo sa human immunodeficiency virus (HIV).
Ito ang kinompirma ni Bureau of Corrections Director Franklin Bucayo.
Ayon kay Bucayo, dahil sa nasabing kaso, nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Health (DoH) at may mga hakbang nang ginagawa rito para tugunan ang medical attention para sa limang preso.
Sinabi ni Bucayo, bago pa nailipat sa state penitentiary sa Muntinlupa ang limang inmates ay may taglay na silang virus.
Samantala, noong Agosto, inihayag ng DoH na ang Filipinas ay isa sa walong bansa na mayroong mataas na kaso ng HIV.
Ayon sa DoH, para sa taon 2014, pumalo sa 16 HIV cases ang naitala habang noong 2013 ay nasa 12 HIV cases lamang.
Nabatid na naglaan ng P308 million pondo ang pamahalaan para sa pagpapagamot sa HIV patients.