SA kabila ng ipinasang mga panukalang batas, naging makasaysayan ang taon 2014 nang malagay sa matinding pagsubok ang imahe ng Senado dahil sa mga kontrobersiyang kinakaharap kabilang na ang sabayang pagkakulong ng tatlong miyembro bunsod ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam, bukod pa sa naging epekto nang nabunyag na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, masakit man para sa kanila na masampahan nang mabibigat na kaso ang mismong mga kasamahan dahil sa isyu ng korupsyon, ngunit ito ang tanging paraan para maiangat ng kapulungan ang imahe laban sa mga kontrobersiya.
“The search for truth may be painful, but this is a process that strengthens our government institutions and reinforces the trust and confidence of our people in our justice system. We are a government of laws, not of men. And no one is above the law,” ani Drilon.
Magugunitang halos sabay na sinampahan ng kasong plunder at graft sina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na ngayon ay pawang nakadetine sa Kampo Crame, bunsod ng sinasabing pakikipagsabwatan kay Janet Lim-Napoles para ibulsa ang kanilang pork barrel funds.
Hunyo 20, 2014 nang sumuko si Revilla sa Kampo Crame, makaraan maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan First Division kaugnay ng kanyang kasong plunder at graft.
Hunyo 23, 2014 nang buluntaryong sumuko si Estrada na sinamahan ng kanyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada, sa Kampo Crame.
Hulyo 4, 2014 nang sumuko rin si Enrile sa Kampo Crame makaraan maglabas ng warrant of arrest ang Third Division ng Sandiganbayan para sa kanyang kaso.
Patuloy na nakakulong ngayon ang tatlong senador dahil sa non-bailable case na plunder.
Bukod kina Estrada, Enrile at Revilla, hindi rin pumapasok si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga sesyon ng Senado dahil sa karamdaman na lung cancer.
Gayonman, para kay Drilon, nagagampanan pa rin ng Senado ang trabaho nito kaya maliban sa mga panukalang batas na naipasa, nakapagsagawa na rin ito ng mga imbestigasyon sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan nang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Kabilang na rito ang isyung kinakaharap ni Vice President Jejomar Binay kaugnay ng sinasabing pagtanggap ng kickbacks mula sa mga proyekto ng pamahalaan noong siya ay alkalde pa lamang ng lungsod ng Makati at ang pagkakaroon ng kuwestiyonableng hacienda sa Rosario, Batangas.
Sinimulan din ng Senado ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na Malampaya fund scam, ang proyektong para sana sa mga magsasaka ngunit pineke ang lagda ng mga alkalde sa Luzon upang makamal ang halos P1 bilyong pondo sa pamamagitan ng mga bogus na NGOs na kinasasangkutan ni Napoles.