NAREKOBER ng mga awtoridad ang aabot sa P8 milyong halaga ng mga kontrabando sa isang warehouse sa Binondo, Maynila.
Lumalabas na ibinebenta ang mga kontrabando sa ilang online shops na pinalalabas na orihinal ang mga produkto.
Nag-ugat ang aksyon ng awtoridad sa reklamo ng may-ari ng iba’t ibang brands hinggil sa pamemeke.
Sa pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Intellectual Property Office Philippines (IPO-PHIL), sinalakay nila ang nirerentahang lugar ng LFA Enterprises at nakuha ang mga pekeng gamit tulad ng gamit sa kusina at gadgets tulad ng Apple at Samsung products.
Napag-alaman, iba ang nakarehistrong pangalan ng kompanya sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) at iba rin ang pangalan ng kompanya sa resibong ini-isyu nila sa kanilang mga mamimili.
Ayon kay Atty. Jerome Turga ng IPO-PHIL, maglalabas sila ng babala sa mga online shop na peke ang ibinebenta ng nasabing kompanya.
Paalala ni Turga sa mga konsyumer na bumibili sa online shops, “kung masyado pong mura, magduda na kayo.”