NAGLAHO ang isang empleyado ng customs brokerage sa Maynila at ang kanyang kaibigan noong isang buwan tangay ang P1.9 milyon na dapat ipambayad sa dalawang kliyente ng kompanya.
Humingi ng tulong sa Manila Police District-Theft and Robbery Section si Paul Mark Lianko, credit and collection officer ng Lawrence Customs Brokerage, at kinilala ang mga suspek na sina Jimroy Golimlim at ang kaibigan niyang si Jose Labis, kapwa residente ng Iloilo Street, Bago Bantay, Quezon City.
Ayon sa salaysay ni Lianko, nag-report si Golimlim sa trabaho alas-10 ng umaga noong Huwebes, Nobyembre 20, 2014 para kunin ang pera na dapat niyang ibayad sa Cosco Shipping Lines. Kinabukasan ay muli siyang nagpunta sa opisina para kunin ang pera na ibabayad sa China Shipping Lines.
Nag-report si Golimlim sa trabaho noong Lunes, Nobyembre 24, at hindi na muli pang nakita. Sinubukan siyang tawagan sa cell phone pero hindi na makontak.
Matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga kliyente na hindi mailabas ang kanilang mga kargamento, nakompirma noong Nobyermbre 27 ang mga suspetsa na niloko sila ng kanilang empleyado nang malaman na hindi nagbayad si Golimlim sa Cosco at China Shipping Lines ng kabuuang P1,985,050.
Nagpunta si Lianko sa bahay ni Golimlim at nalaman sa asawa nito na dalawang araw nang hindi umuuwi roon ang suspek. Ang kaibigan niyang si Labis na laging kasama sa tuwing magbabayad si Golimlim sa mga shipping line ay hindi rin matagpuan.
Ang dalawa ay nahaharap ngayon sa kasong “qualified theft” sa naganap at si Lianko ang nagrereklamo, bilang kinatawan ng tanggapan nilang Lawrence Customs Brokerage.