APRUBADO sa pamunuan ng New Bilibid Prisons (NBP) ang pagpasok ng appliances at iba pang electronic items sa loob ng bilangguan bagama’t malinaw na labag sa alituntunin.
Ito ang lumalabas sa mga dokumentong nakalap na makikitang inaprobahan ng ilang opisyal ng NBP ang pagpasok ng appliances.
Pinakamaraming inaprubahan noong 2013 si Supt. Venancio Tesoro kabilang ang ilang aircon, TV, computer, pati apat na unit ng electric bike o scooter.
Wala na si Tesoro sa Bilibid makaraan siyang ilipat sa Davao Penal Colony.
Si Deputy Supt. Celso Bravo, nag-apruba ng pagpasok ng TV at iba pang appliances kabilang ang 36 inch TV ni convicted drug lord Vicente Sy.
Si Bravo rin ang nag-aproba ng pagpasok ng aircon ni inmate Enrique Gatdula.
Habang si Supt. Roberto Rabo ang nag-aproba ng pagpasok ng computer ni inmate Ricky Bautista.
Ayon kay Chief Insp. Merdeguia ng PNP Anti-Illegal Drugs Task Force, lubhang delikado ang pagpapasok ng computer dahil sa pamamagitan nito ay nakakapagtransaksyon ang mga drug lord sa labas. Mayroon din nakompiskang wi-fi at mobile Internet sets sa loob ng piitan.
Mayroon pang laminating machine na nailusot ni convicted Ozamis Gang leader Herbert Colanggo na hindi malaman kung anong paggagamitan sa loob ng kulungan. Si Supt. Rabo rin ang nag-aproba nito.
Kinompirma ni Justice Secretary Leila De Lima ang mga dokumentong nakuha.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit niya nilusob ang NBP at malinaw aniyang bawal sa alituntunin ng bilangguan ang ano mang electronic devices, lalo na ang computer at cellphones kaya’t pinagpapaliwanag niya ang mga opisyal ng NBP na pinangalanan sa dokumento.
Samantala, sinabi ni BuCor Chief Franklin Bucayo, inihahanda na niya ang listahan ng lahat ng mga nag-aproba ng pagpasok ng mga bawal na gamit.
Inumpisahan na rin ng NBI ang imbestigasyon sa posibleng pagka-kasangkot ng NBP officials sa operasyon ng droga sa loob ng Bilibid.
Pati si Bucayo kahit kasama sa pagplano ng raid ay hindi pa lusot sa pananagutan.
Bilibid muling iinspeksiyonin
MAGSASAGAWA ng ikalawang inspeksyon ang Department of Justice (DoJ) sa New Bilibid Prisons na ang target ay mga nahatulan din sa kasong droga.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, isinasapinal na lamang ng Bureau of Corrections ang listahan ng mga preso na magiging target sa panibagong raid na gagawin.
Naniniwala si De Lima na na-neutralize na ang bentahan ng illegal na droga na kinasasangkutan ng mga drug convict kasunod ng ginawang paglilipat sa kanila sa detention facility ng NBI.
Leonard Basilio