MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chair Jose Ma. Sison para kay Pope Francis at sa kanyang pagbisita sa Filipinas sa Enero ng susunod na taon.
“Si Pope Francis ay pinili upang resolbahin ang mga problema sa loob ng simbahan. Lubos itong batid ng mga taong-simbahan. Alam nila na siya ay may progresibong pag-iisip,” ani Sison sa web conference sa ginanap sa isang forum sa Polytechnic University of the Philippines, Maynila nitong Sabado (Dec. 13).
“Siya ay kritikal (Pope Francis) at may kakayahang magpakilos laban sa mga kasamaang dulot ng kapitalistang sistema,” ani Sison.
Kasalukuyang naninirahan sa The Netherlands, mariin din pinabulaanan ni Sison, ang akusasyon na target ng New People’s Army (NPA), ang military arm ng CPP, ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa.
Tinawag niya itong “propaganda” ng militar.
“Mahilig sila mag-imbento ng mga bagay upang pasamain ang kilusang rebolusyonaryo. Ang kilusang rebolusyonaryo ay may mabuting relasyon sa mga taong simbahan,” anang International League of People’s Struggles (ILPS) chairperson.
Kinikilala rin umano ni Sison ang pagmamalasakit ng Santo Papa at pagpupumilit na bisitahin ang sinalanta ng Supertyphoon Yolanda (international name: Haiyan).
Binanggit din ni Sison na maging ang Santo Papa ay nagsalita rin laban sa “supertyphoons created by man,” at pagsasamantala at pang-aapi ng mga makapangyarihan at mayayaman.
Sa kanyang video message, hinikayat ni Sison na suportahan at ibahagi ang mga pahayag ng Santo Papa na kapakipakinabang sa sambayanang Pinoy.
Aniya, ang pagbisita ng Santo Papa sa papasok na taon ay iingatan at pahahalagahan ng CPP, lalo na’t mayroon itong mabuting relasyon sa Simbahan.
“Sa loob ng simbahan, mayroon pa rin masasamang gawi na ginagawa ang mga reaksiyonaryong pari pero mayroon din progresibo at makabayang pari,” diin ng tagapagtatag ng CPP.
Gloria Galuno
Open mobile no bulletproof sa PH trip — Pope Francis
BAGAMA’T pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika, magiging “accessible” o madaling malapitan si Pope Francis sa nakatakda niyang pagbisita sa Filipinas sa Enero 2015. Ayon kay Fr. David Concepcion, miyembro ng Papal visit transpo committee, dalawang Pope mobile ang gagamitin, isa sa Maynila at isa sa Tacloban.
Mismong ang Santo Papa aniya ang humiling na dapat ay isang open mobile, hindi bulletproof at walang aircon ang magiging sasakyan niya.
Paliwanag ni Fr. Concepcion, simbolo ito na bukas ang simbahan para sa lahat. Kung maaalala, maging sa kanyang Middle East trip ay isang open-top car ang sinakyan ng Mahal na Papa, bagay na ikinasakit sa ulo at labis na ikinabahala ng kanyang security.
Sa Enero 15 hanggang 19 bibisita sa Filipinas si Pope Francis at kabilang sa mga pupuntahan niya ang Luneta Park, Manila Cathedral, University of Sto. Tomas, MOA Arena, at Tacloban. (G. YAP)