MULING nanawagan si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga awtoridad sa lahat ng paliparan sa bansa na maglagay ng CCTV cameras sa loob at labas ng mga airport upang magdalawang-isip ang sino mang nais gumawa ng krimen.
Muli niya itong ipinaalala matapos mahuli sa akto ang isang airport police na binasag ang salamin ng taxi nang tumanggi ang tsuper na ibigay ang lisensiya nito sa NAIA terminal 3 noong nakaraang Biyernes.
Nahuli sa akto si PO2 Alejandro Pineda Jr., nang makunan ng video ng pasaherong si Gracie Fabie ang pangyayari na ini-upload niya sa Facebook.
Ayon kay Pimentel, maiiwasan ang mga ganitong pangyayari kung may CCTV cameras sa lahat ng estratehikong lugar ng mga paliparan sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Pimentel ang paglalagay ng CCTV cameras sa Laguindingan airport sa Cagayan de Oro City upang mapigilan ang pag-atake ng mga elementong kriminal tulad ng pag-ambush kay Iligan City Rep. Vicente Belmonte na ikinamatay ng apat katao kamakailan.
“Kahit may mangholdap doon walang makaaalam,” ani Pimentel na tubo sa nasabing lungsod. “Madilim ang ilaw na ginagamit doon kaya nalalagay sa panganib ang buhay ng mga bumibiyahe.”
Ipinaalala rin ni Pimentel na sa kawalan ng CCTV cameras sa NAIA Terminal 3 ay blanko ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpatay kay Mayor Ukol Talumpa ng Labangan, Zamboanga del Sur kasama ang tatlong iba pang biktima ng ambush noong Disyembre 2013.
“Lubhang nakalulungkot na kahit katanghaliang tapat ay umaatake ang mga kriminal sa ating mga paliparan na walang naaarestong suspek dahil lamang sa kawalan ng CCTV cameras,” dagdag ni Pimentel.