NAG-INHIBIT ang tatlong mahistrado ng Sandiganbayan sa mga kaso ni Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng pork barrel scam.
Nagpadala ng liham ang mga mahistrado ng 5th Division sa pangunguna ni Chairperson Justice Roland Jurado kay Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang para ipaalam ang tungkol sa pag-inhibit sa mga kasong plunder at graft ng senador.
Kinompirma ng tanggapan ng 5th Division na nasa opisina na ni Tang ang naturang sulat. Inilabas na rin ang kopya nito.
Inaasahang pag-uusapan sa sesyon.
Ikinagulat ng abogado ni Estrada ang pag-inhibit ng mga mahistrado. Dumating siya sa Sandiganbayan para sa pagmarka ng mga ebidensya kaugnay sa trial proper.
Nagulat din ang abogado ni Janet Napoles.
Sakaling pinal na ang pag-inhibit, kukuha ng ibang dibisyon para sa mga kaso ni Estrada.
Sa ngayon, ang hirit pa lang patungkol sa piyansa ang dininig ng 5th Division at wala pa sa trial proper.