MUKHANG si Vice President Jejomar Binay mismo ang bumubungkal ng kanyang sariling hukay.
Sa kanyang pagdalo sa isang kasalan sa Fontana Leisure Park, sinabi ni VP Binay na mayroon daw ‘ongoing well-funded smear campaign’ laban sa kanya.
‘Yan daw ang dahilan kung bakit ‘binibili’ ng media ang mga kasinungalingang ikinukulapol sa kanya ng kanyang mga kaaway.
Inilarawan pa niyang kung Intensity 4 umano ang pinakamalakas na tirada sa smear campaign ang ipinukol umano sa kanya ay Intensity 5.
Lahat daw ng kanyang paliwanag ay hinaharang, ni hindi raw nila ma-neutralize ang mga negatibong ulat. Tahasang sinabi rin ni Binay na mayroong radio broadcasters na tumatanggap ng malaking halaga para banatan siya.
Nakalulungkot naman ‘yang mga akusasyon ni VP Binay.
‘E kung ganyan ang estado ng media sa ating bansa, palagay natin ‘e huwag na niyang pangarapin na maging Pangulo ng bansa.
Napakahina naman ng iyong media relations officer at ‘yung mga nagpapakilala na operator n’yo raw kung hindi sila maka-penetrate sa media. Knowing their skills and knowledge at pagiging beterano sa media operations ‘e parang hindi naman tayo makapaniwala na hindi ninyo ma-penetrate ang media.
‘E di ba maraming media group ang paboritong mag-courtesy call sa inyo?
Pero kung gusto mo talagang pagkaguluhan ka ng media VP Binay, pinamaigi siguro ‘e harapin mo ang imbestigasyon sa Senado.
Pwede pa kaya?!
Pwedeng totoo na ‘battle of perception’ lang ang survey-survey na ‘yan … at ‘yun na mismo ang paliwanag do’n ‘di ba?
Honestly, nakapanghihinayang din ang career ninyo VP Binay kaya lang mukhang may sablay talaga.
At ‘yun ang dapat ninyong arestohin…
Kapag nagawa ninyong ipaling sa 90 degrees (huwag nang 180 degrees) ang atensiyon ng media, d’yan lang natin masasabi na nagtrabaho na ang MRO ninyo.
Ano sa palagay ninyo Mr. Joey Salgado?!