INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na may ilang Noche Buena items ang mas mura ang presyo kaysa itinakdang suggested retail price (SRP).
Sa price monitoring ng DTI, may ilang Noche Buena items ang mas mababa o mura ang presyo, ayon kay DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, may sapat na pagpipilian ang mga mamimili.
Pero pinayuhan ni Dimagiba, na kung maari ay mamili nang maaga at huwag nang sumabay sa dagsa ng last minute shoppers.
Sa pamamagitan umano nito ay makakapamili nang maayos sa mga bibilhing produkto at makaiiwas rin sa sobrang abala lalo’t matrapik ngayong Kapaskuhan.
Sa itinakdang SRP ng DTI, para sa isang kilo ng Swift ham ay nabibili ito sa P185, habang ang isang kilo ng Purefoods Fiesta cooked ham ay P493, para naman sa canned fruit cocktail ay naglalaro ang presyo mula sa P60 hanggang P68.75 habang ang 500-gram queso de bola ay nabibili sa P227.70.
Ang 400-gram pack pasta ay naglalaro mula P30 hanggang P52.75 habang ang 400-gram pack ng elbow o salad macaroni ay nasa P31.50 hanggang P53.
Ang 250-gram pack ng spaghetti sauce ay nasa P18.70 hanggang P26.25. Ang 250-gram pack of tomato sauce ay nasa P17.25 hanggang P19.95 at nasa P39.80 hanggang P44 naman ang lata ng creamer.
Binalaan muli ng DTI ang mga retailers, na sundin nila ang itinakdang SRP dahil sa oras na mapatunayang nagmamanipula sila ng presyo tulad ng profiteering, na isang paglabag sa Price Act, ay mahaharap sa multang P1 milyon bukod sa pagkakulong ng hindi lalampas sa 15 taon.
Jaja Garcia