NAKUNTENTO sa kalahating puntos na tinapyas ni Pinoy GM Buenaventura “Bong” Villamayor kay GM Susanto Megaranto sa ninth at final round upang sungkitin ang titulo sa katatapos na 6th Penang Heritage City International Chess Open 2014 sa Malaysia.
Nakaipon ng seven points ang 3rd seed Villamayor (elo 2440) mula sa five wins at four draws matapos makatabla kay top seed Megaranto (elo 2546) ng Indonesia sa 17 moves ng Slav.
Lima ang nag-agawan sa first place at kasalo ng dating pambato ng Far Eastern University Villamayor sina Megaranto, IMs Srinath Narayanan, Dinesh Sharma ng India at Cuhendi Winshand Sean ng Indonesia pero matapos ipatupad ang tie-break points ay tinanghal na kampeon ang Pinoy.
Nauwi sa draw ang laban nina Narayanan (elo 2461) at Sharma (elo 2380) habang nagwagi si Cuhendi (elo 2416) kay Indonesian IM Irwanto Sadikin (elo 2331).
Nahablot naman ni Pinoy IM Oliver Dimakiling (elo 2373) ang pang-anim na puwesto ng kaldagin nito sa last round ang kababayang si Ian Udani (elo 2264).
Sumulong ng dalawang sunod na panalo sa huling dalawang rounds si Dimakiling, subalit kinapos pa rin ito sa asam na titulo matapos lumikom ng 6.5 puntos.
Ang ibang Pinoy woodpushers na nakasampa sa top 20 ay sina IMs Rolando Nolte at Emmanuel Senador.
Lumanding sa pang 11th place si Nolte (elo 2395) habang pang 17th place si Senador (elo 2354) na may tig anim na puntos.
Tabla ang laban nina Nolte at Senador kina IM Enrique Paciencia (elo 2335) ng Singapore at FM Novian Siregar (elo 2292) ng Indonesia.
Si Paciencia na isa rin Pinoy na naka-base na sa Singapore ay dating top player ng Adamson University sa kaagahan ng 90s. (ARABELA PRINCESS DAWA)