TULUYANG binawian ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng Maserati sports car na si Joseph Russel Ingco makaraan makipag-away sa traffic enforcer na si Jorbe Adriatico.
Sa ipinalabas na resolusyon ng LTO, malinaw na lumabag si Ingco sa reckless driving, committing a crime in the process of apprehension at pagmamaneho nang hindi rehistradong sasakyan.
Ayon kay Jason Salvador, tagapagsalita ng LTO, bukod sa kanselasyon ng kanyang drivers license ay may kaakibat na multang tig-P10,000 kada violation sa tatlong paglabag.
Bagama’t nagreklamo ang panig ni Ingco dahil hindi sila binigyan ng pagkakataon na makasagot, nilinaw ni Salvador na nagbase sila sa desisyon sa reklamo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lumabas sa kanilang record na may mga nakaraang kaso ng reckless driving si Ingco noong nakaraang mga taon.