WALA ng Twitter and Instagram account ang Concert Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
“Noon ko pa naman din kasi nare-realize na modesty aside, hindi naman sa nagyayabang kami, nagkaroon kami ng mga pangalan ng wala namang social media. Hindi kami pinasikat ng social media,” say niya sa amin over lunch matapos ang kanyang pa-Christmas party for her household help sa pabulosang bahay niya sa Ayala Hillside Estates sa Quezon City.
Pinaghirapan ni Ai Ai ang kanyang pangalan only to be bashed sa social media, ano sila sinusuwerte? Isa pa, alam naman ng lahat kung kanino nanggagaling ang pamba-bash sa kanya, ‘no, kaya tama lang na ‘wag ng bigyan ng joy ni Ai Ai na laitin siya ng laitin sa social media ng kanyang mga kaaway.
“Lahat kami naghirap, from A to Z, from scratch ay pinaghirapan namin ang mga pangalan namin. Pero ngayon, dahil iba na ang buhay, ayoko naman sabihin sa kanila na ‘wag n’yo naman kaming sirain dahil hindi n’yo naman kami kilala. ‘Yung self-respect ay nawala. Kumbaga, binastos ng ano (social media). Parang kahit sino puwedeng magsalita sa ‘yo kahit hindi totoo. Okay lang kung totoo. Ang dami ng sinirang artista ng social media. Kawawa talaga sila,” pagpapatotoo ni Ai Ai.
True naman ang kanyang sinabi. Ngayon, with the advent of social media ay ang dali-dali na nilang sirain ang isang artista.
Maging ang anak nga niyang mag-aartista na sa Siete na si Sancho ay pinagsabihan niyang ‘wag nang mag-Twitter at Instagram.
“Sinabi ko nga sa kanya, ‘Ngayon anak, noong araw kami, siyempre lumang tao kami, noong araw kami press lang ang naninira or ‘pag kami, ‘pag talagang close kami sa kanila bilang artista (ay napapakiusapan). Ngayon kasi kahit hindi natin kakilala may karapatang magsalita sa atin, eh. Ako, ayoko ‘yon. Kung ikaw kaya mo, pero ako, ang ia-advice ko sa ‘yo ay ‘wag ka na mag-Twitter na kasi unang-una nawawalan ka ng mystery. Pangalawa, nawawala ‘yung respeto mo sa sarili mo. Hindi ka naman nila kilala, eh, pero kung pagsalitaan ka nila. Parang, teka muna. Pinalamon mo ba ako? Bakit ganyan kayo makapagsalita sa akin.
“So, wala na siyang Twitter. ‘Yung IG niya ay naka-private. Kaya lang siya may IG ay dahil sa business niya.”
ni Alex Brosas