HANDS-UP kami kay Vice Ganda pagdating sa pagkaprangka dahil very honest siya sa pag-amin na kaya siya pumasok sa showbiz ay para magkapera.
Aniya, gusto niyang kumita ng maraming pera para mabago ang kanilang pamumuhay at kung makatanggap man siya ng mga award ay bonus na ito sa kanya.
Inamin nitong malaki ang kanyang pagpapasalamat sa taong 2014 dahil sobrang bongga ang kanyang karir. Hindi lang kasi siya nagkapera, nakatanggap din siya ng maraming awards.
Aniya, “Nang pumasok ako sa showbiz ay hindi naman awards ang hinahahanap ko kundi gusto ko lang mag-enjoy at kumita para yumaman. ‘Yun lang naman ang hanap ko ‘yung guminhawa ng guminhawa. ’Yung awards hindi ko talaga ini-aim pero this year ang dami ko ng awards. Parang kung may awards chu-chu, parang may quota ako sa pag-akyat sa stage. Lagi ang pinakamababa kong akyat ay dalawa o tatlo, ‘yung ganoon. Nakatutuwa.”
Inamin din nito na gumagaling siya sa pag-arte kapag si Wenn Deramas ang nagdidirehe sa kanya.
Aniya, “Magaling ako kapag si Direk Wenn ang nagdidirehe sa akin. Kasi gusto niya magaling ako ng 65 to 70% at ‘yung natira ay sa iba. Siya ang nagtiwala sa akin noon na magkapelikula eh, at inaamin ko naman na magaling ako kapag si Direk Wenn kasi gusto niya maging magaling ako. Hindi ako takot magmagaling kapag siya ang kasama ko kasi ginagabayan niya ako, hinahayaan niya akong maging magaling.”
Sa pagkasama ni Alex Gonzaga sa The Amazing Private Benjamin ay most welcome kay Vice dahil malaking tulong ito para lalong nakatatawa ang pelikula. “Kadalasan ay nag-a-ablib siya. Wala sa script pero swak sa aming batuhan ang punchline niya. As in, hindi ko solo ang batuhan ng linya. Hangang-hanga ako sa kanya at tiyak hindi na ako mahihirapang magpatawa. Kung waley man ako, nand’yan si Richard Yap at kung ma-waley man si Richard, mayroon pa tayong Alex, ‘di ba?”
ni Alex Datu