HINDI natin kayang bilangin ang alaala para sa ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) at sa kanilang pamilya ng kauna-unahang Jollibee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 doon sa ramp area.
Ang nasabing Jollibee ay bahagi ng pagdating at pag-alis ng isang pangkaraniwang OFW sa kanyang pamilya. Dito sila nagsasalo-salo, bago tuluyang mangibang-bayan ang OFW o kaya naman, bago sama-samang mag-shopping sa Duty Free.
Maraming malalaking nagosyante noon ang hindi naniniwalang magtatagal ang nasabing Jollibee sa NAIA T1. Nasa labas kasi ng airport. ‘E yung ibang swapang na concessionaire ang pinili talaga nila ‘yung sa loob o nasa airport passenger terminal. Ang nakakuha nga ng mga puwestong ‘yan at malalaking area ‘e alam n’yo na … ‘yung isang greedy Singaporean concessionaire na ipinagmamalaki ang kanyang ‘class’ na restaurant.
Pero nang nag-boom ang Jollibee at lumakas nang husto, na halos 16 years na ngayon, ‘e nakaisip magpalit ng negosyo si Singaporean concessionaire.
Wala naman tayong masamang tinapay sa concessionaire na tinutukoy natin, katunayan, naiintindihan natin siya. Negosyo ‘yan. Kung magkakaroon nga naman siya ng pagkakataon na maisalba ang kanyang bumagsak na restaurant bakit nga naman hindi.
Ang mukhang may diperensiya dito ‘e ‘yung mismong Jollibee. Tila wala silang proteksiyon sa kanilang franchisee na matagal na nilang partner sa negosyo.
Kabilang sa nagpalakas ng kanilang kompanya kung kaya nga kinilala ang kanilang produkto. Hanggang magkaroon na nga ng franchise sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
At mukhang ‘yun ang nalimutan ni Mr. Tony Takawtiong ‘este Tancaktiong. Nalimutan niya ang kanyang mga longtime partner sa pagpapalago ng Jollibee.
Kitang-kita ‘yan nang payagan niyang magkaroon ng isang franchisee sa NAIA terminal 1. Nakuha na nga ng nasabing bagong franchisee ang NAIA terminal 2 and 3, ngayon gusto pang kompetensiyahin ‘yung longtime franchisee sa NAIA terminal 1.
Tama ho ba ‘yun?!
‘E parang hindi na langhap-sarap ang bagay na slogan d’yan kundi, langhap-swapang na!
Mr. Tony takaw-tiong ‘este Tancaktiong, ang daming nagbigay sa iyo ng award dahil phenomenon talaga ang pagbongga ng Jollibee. At hindi mangyayari ‘yan kung hindi dahil sa mga franchisee ninyo na naging tapat sa inyo.
Kayo ba ay naging tapat sa kanila?! Binibigyan n’yo ba ng proteksiyon ang mga longtime partner and franchisee ninyo?!
‘E parang ang gusto ninyo mag-away-away lang ang mga franchisee ninyo tapos matira ang matibay?! ‘Wag namang ganoon.
Ngayon ninyo ipakita na marunong kayong lumingon sa mga taong nakatulong ninyo sa pag-unlad ng negosyo ninyo!
Bida ang sarap o bida ang salapi para sa bagong slogan ng Jollibee!?