ISANG puganteng Amerikano na tila nag-ala-Clint Eastwood sa pelikulang Alcatraz ang iniulat na tumakas sa pamamagitan umano ng paglagari sa rehas ng kanyang detention cell sa Davao Immigration Office sa Davao City.
Batay sa nakalap na impormasyon ng HATAW, isang Douglas Brent Jackson, American national, ang walang kahirap-hirap na nakatakas sa kanyang selda nitong nakaraang Disyembre 7, araw ng Linggo.
Batay sa record, si Jackson ay naisyuhan na ng Summary Deportation Order noong Agosto 29 (2014) dahil sa kasong pagnanakaw sa Estados Unidos.
Sa blotter sa San Pedro police station, nabatid na si Jackson ay nakapiit sa 2nd floor ng Davao Bureau of Immigration Office.
Nakatalaga sa oras na iyon ang isang BI-CSU (civil security unit) na kinilalang si Virgilio Bonleon.
Nang inspeksiyonin ng pulisya ang tinakasang piitan ni Jackson, nabatid na pinutol niya ang kanyang rehas sa pamama-gitan ng lagaring bakal.
Marami ang nagtataka kung bakit wala man lang nakapuna na nilalagari ni Jackson ang kanyang rehas.
Marami rin ang nagtataka kung bakit nakakulong pa rin sa Davao Immigration si Jackson gayong naisyuhan na ng Summary Deportation Order.
Iniulat ng Immigration Davao na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya para sa muling ikadarakip ng nasabing American fugitive.
Jerry Yap