WALO sa 12 binatilyo na kumain ng bunga ng tuba-tuba ang isinugod sa Bulacan Provincial Hospital sa Capitol Compound sa Malolos City, nang sumakit ang tiyan, nahilo at sumuka.
Ang walong biktimang patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ay kinilalang sina Bowen dela Cruz, 9; Jomar Robles, 9; Bien Mar Navarro, 10; Boris dela Cruz, 12; Mar Jaron Narciso, 9; Joshua dela Cruz, 10; Harvey Caballero, 10; Sherwin Santos,7; pawang mga residente sa Brgy. Matimbo sa nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nagkatuwaan ang mga biktima na subukang kainin ang bunga ng tuba-tuba na parang mani.
Ngunit makaraan ang ilang oras ay nakaramdam sila ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at sumuka kaya isinugod sa pagamutan.
Ayon kay Doktora Jocelyn Gomez ng Provincial Health Office, hindi kinakain ang bunga ng tuba-tuba dahil ito ay nakalalason at posibleng ikamatay ng sino mang kumain.
Dagdag ng doktor, dapat ay palaging pinaalalahanan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag basta na lamang kakain ng mga bunga ng punong kahoy dahil kalimitan aniya sa mga bata ay nag-eeksperimento at kumakain ng kung ano-anong bunga na hindi nila alam na maaaring makalason.
Daisy Medina