VIGAN CITY – Nalason sa karne ng aso ang 22 katao sa Brgy. Daldagan, bayan ng Galimuyod, Ilocos Sur kamakalawa.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Galimuyod, sa pangunguna ni Senior Insp. Napoleon Eleccion, chief of police, dahil may sakit ang aso at bago pa mamatay, kinatay na lamang ng isang alyas Anton at ng kanyang mga kasama sa barangay at iniluto.
Makaraan mailuto ay pinulutan at ipinamigay ang iba sa ilang mga kapitbahay upang ulamin.
Pagkaraan ay nakaramdam sila ng grabeng sakit ng tiyan, nahilo at sumuka.
Ayon sa chief of police, agad itinakbo sa St. Martin de Pores Hospital ang mga biktima at kinompirma ng Department of Health na nalason sila mula sa kinain nilang karne ng may sakit na aso.
Inaalam pa kung ano ang pangalan ng mga biktima sa nasabing food poisoning habang tinitingnan ng PNP kung ano ang nilabag ng mga kumatay sa may sakit na aso bukod sa paglabag ng Animal Cruelty Act.