IPATITIGIL ang biyahe ng buong prangkisa ng mga taxi na nasangkot sa insidente ng panghoholdap.
Ito’y makaraan ang sunod-sunod na insidente ng panghoholdap ng mga taxi driver sa kanilang mga pasahero na ang ilan umaabot sa pamamaril.
Ayon kay Atty. Roberto Cabrera III, executive director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), dapat pagbayarin ang mga gumagawa ng krimen.
“From my office, humihingi po ako ng pahintulot mula sa board kung pupuwede nga ho kung talagang legit franchises ho covered itong mga driver na ito, kung pupwede nga ho sinisilip ko kung pwede maalis muna sa kalsada ‘yung mga taxi(ng) ito, ‘yung buong taxi (franchise) ho hangga’t hindi nila ayusin ‘yung mga driver nila.”
“Finorward ko na po sa Office of the Chairman ‘yung plano ko ho gawin na kapag may nahuli talaga, io-automatic suspension ko na po ‘yan although awaiting the signal and approval of the Chairman ‘yan pero ang akin ho dito, itutuloy ko na ho ‘yun. Bahala na sila magreklamo kay Chairman (Winston Ginez).”
Hindi mapatawad ni Cabrera ang katwiran ng taxi operators na hindi nila alam na maaaring mga kriminal ang nakukuha nilang mga driver at hindi na rin aniya sapat ang pagkakaroon ng ID system lang para sa mga driver.
“Kailangan ho ‘yung selection process mas mahigpit but kailangan po at this point maging answerable na ‘yung mga operator sa mga driver na kinukuha nila.
“Sobra na ho, kailangan ho patulan na nang mahigpit-higpit ito.”
Magkakaroon ng pagpupulong ang LTFRB hinggil sa isyu ng holdapan sa taxi.
Matatandaan, sunod-sunod ang krimeng kinasasangkotan ng mga taxi driver na holdaper, kabilang ang babaeng pasaherong apat beses binaril driver sa Quezon City.
Ex-kagawad hinoldap ng taxi driver
PANIBAGONG insidente ng panghoholdap na kinasasangkutan ng taxi driver ang naganap. Nabiktima ang dating barangay kagawad ng Brgy. Bagong Silang, Quezon City at ang kanyang pamangkin nang sumakay ng Val and Vangie taxi sa exit ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Nagulat si Jocelyn Anit at ang kanyang pamangkin nang sumakay din ang taxi barker, maging ang biglang pagpapatakbo ng taxi driver kahit kinukwestiyon nila kung bakit kasama ang barker sa loob.
Tinangka nilang tumalon palabas ng taxi ngunit sira ang lock ng pintuan.
Hindi kalayuan sa Terminal 3 ay tinutukan sila ng driver ng patalim saka tinangay ang bag nilang may lamang P2,000 cash.
Agad naaresto ang suspek na driver na si Victorio Duldulao makaraan magsumbong ang mga biktima sa barangay tanod na nagtimbre sa Pasay City PNP.
Inaalam pa kung may kinalaman si Duldulao sa iba pang insidente ng pagnanakaw ng mga taxi driver.