IGINIIT ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kailangang ipatupad ang P1.00 provisional decrease sa pamasahe sa jeep sa Metro Manila kahit wala pang kopya ng fare matrix.
Ayon kay LTFRB Executive Director Robert Cabrera III, tiyak aniyang gagawing dahilan ito ng ilang mga tsuper ngunit hindi na kailangan dahil nai-anunsiyo na ito sa media at ang kautusan ay ‘effective immediately’.
Nangangahulugan lamang na mula nang i-anunsiyo kamakalawa ay dapat agarang ipatupad ito.
Kamakalawa ng gabi, kinausap na ng LTFRB ang operators ng jeep at umaasa silang magtutuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng bawas pamasahe mula ngayon.
Samantala, nilinaw rin ng ahensiya na ang mga jeep galing probinsiya na papasok sa Metro Manila ay kasama sa kautusan ng pagbabawas pamasahe.
Halimbawa niya, kung galing ng Cavite at inter region ang biyahe papasok ng Metro Manila ay kasama ito sa rollback.
Magugunitang kamakalawa ay inianunsyo ang naturang provisional decrease na nangangahulugang mula sa P8.50 ay P7.50 na lamang ang minimum na pamasahe sa unang limang kilometro ng biyahe.
Sa mga senior citizens at estudyante ay P6.00 na lamang.
Ang bawas pamasahe ay bunsod nang patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel sa pandaigdigang merkado.