TINIYAK ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, nananatiling intact ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP), kahit suspendido ngayon si PNP chief Director General Alan Purisima.
Ayon kay DILG Secretary Mar Roxas, si PNP Deputy Director General Leonardo Espina ang kasalukuyang itinalagang officer-in-charge (OIC) ng PNP.
Giit ng kalihim, walang pagbabago sa set up ng PNP at tuloy ang kanilang trabaho, partikular sa kanilang paghahanda sa pagdating ni Pope Francis sa bansa sa susunod na taon, ang APEC summit sa 2015, at sa iba pang pagtugon sa mga international activity.
Sinabi rin ng kalihim na bilang OIC, obligado si Espina na ipatupad ang mandato ng pambansang pulisya partikular ang anti-criminality campaign.
Kabilang dito ang pagbalasa sa mga opisyal kung kinakailangan.
Bago humarap sa media si Roxas, nagpatawag siya ng leadership meeting dinaluhan ng matataas na mga opisyal ng PNP.
Tinalakay sa nasabing leadership meeting ang suspension order ng PNP chief at ang pagtalaga kay Espina.
Sinabi ni Roxas, nakatakda niyang talakayin kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kaugnay ang suspension order sa PNP chief at kanila itong dedesisyunan.
Sa ngayon ay nasa South Korea ang pangulo para sa isang official visit.