KABILANG ang Bureau of Immigration sa mga punong-abala sa paghahanda ng seguridad sa pagdating ng Santo Papa kasunod ng binuong special task force na ang pangunahing layunin ay matiyak ang seguridad ni Pope Francis.
Ayon kay BI Commissioner Siegfred Mison, ang task force na tatawaging Task Unit Immigration ang mangangasiwa para matiyak na magiging maayos ang immigration services at intelligence operations sa panahon ng pagbisita ni Pope Francis.
Pangunahing tungkulin aniya ng Task Unit Immigration na tiyaking mabibigyan ng tamang immigration service, technical and intelligence support si Pope Francis at ang kanyang entourage.
Nabatid kay Mison na noon pang Oktubre, sinimulan ng kanyang ahensiya ang paghahanda gaya ng pagkakaloob ng pagsasanay sa mga miyembro ng Task Unit, survey at inspection sa area.
Binalaan ni Commissioner Mison ang mga dayuhang terorista at mga human trafficker na magsasamantala sa sitwasyon na sila ay hindi papayagang makaporma sa mga paliparan at hindi rin sila papayagan na makapasok sa bansa.
Magtatalaga rin aniya ng sapat na bilang ng mga immigration personnel sa Maynila at Tacloban na destinasyon ng Santo Papa.
Tiniyak ng immigration chief na ilalagay sa full force ang BI sa panahon ng pagbisita ni Pope Francis.
Edwin Alcala