SUMUGOD muli sa harap ng Korte Suprema ang isang grupo ng mga residente ng Maynila na Movements Against Corruption (MAC) para magpasalamat sa Korte Suprema at iapela na huwag nang paabutin pa sa 2015 ang disqualification case ng napatalsik na Pangulo ng bansa at convicted plunderer Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ayon Kay Leah Dimasilang Secretary General ng MAC, malaki ang kanilang pasasalamat kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa pagtugon ng SC sa kanilang apela na kumilos na ang Korte Suprema hingil sa disqualification case ni Estrada.
“Ngayon pa lamang, kami ay nagpapasalamat na kay Chief Justice Sereno dahil sa pagdinig sa aming hinaing at inatasan niya si Associate Justice Marvic Leonen na mag-ponente o sumulat ng desisyon sa disqualification case ni Mayor Erap Estrada mabibigyan panatag na rin kaming mga taga-Maynila ,” saad ni Dimasilang.
“Ganon pa man, umaasa kami na hindi na paaabutin pa sa susunod na taon at magdedesisyon na ang Justices ng Korte Suprema para sa nasabing usapin. Ito ang magandang regalo na maibibigay nila sa mga taga-Maynila maging kay Mayor Estrada na mapanatag na ang lahat,” dagdag ni Dimasilang.
Ani Dimasilang, mapapatunayan ni Chief Justice Sereno maging ng mga hukom ng Korte Suprema na wala silang pinapanigan na kahit sino man at tunay na naihahatol nila ang batas nang tama kung magdedesisyon na sila bago matapos ang taon 2014 sa disqualification case ni Mayor Erap Estrada.
“Sana naman huwag nang tamarin ang ating Supreme Court, ito ang huling araw ng En Banc ng SC, pagdesisyonan na sana nila at huwag nang pabigatin pa ang dala-dalang tanong ng mga taga-Maynila,” dagdag ni Dimasilang.
Nilinaw ng grupo ng MAC na hindi sila pumapabor kanino man, ang nais lamang umano ng grupo ay matapos na ang usapin at mabigyan-linaw sa mga taga-Maynila kung sino talaga ang nararapat na maging Mayor ng Lungsod.
“Kami po ay palagi na lamang nagtatanong kung maaari bang muling humawak ng posisyon ang isang tao na nahatulan na o convicted sa isang napakabigat na krimen? At sa kabila ng kanyang conviction ay naging Mayor ng isang Lungsod, maaari rin ba siyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2016? Ito ang ilan sa napakaraming mga tanong na dapat hindi na pinatatagal ng Korte Suprema para sagutin, “ saad ni Dimasilang.
Bong Son
DQ vs Erap ‘di umabot sa en banc
BIGONG mapagbotohan ang disqualification case laban kay Manila Mayor Joseph Estrada sa isinagawang en banc session ng Korte Suprema kahapon.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng Supreme Court at hepe ng Public Information Office, sa susunod na taon na maisasalang sa deliberasyon ang kaso at posibleng mapagbotohan ng mga Mahistrado.
Ang disqualification case laban kay Estrada ay inihain ni Atty. Alicia Vidal at kanyang pinagbatayan ang hatol ng Sandiganbayan laban kay Estrada sa kasong plunder.
Sa kanyang memorandum, nanindigan si Estrada na kuwalipikado siyang tumakbo dahil ang iginawad sa kanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo ay absolute pardon.
Malinaw umanong nakasaad sa executive clemency na ipinagkaloob ni Ginang Arroyo noong October 25, 2007 na ibinabalik sa kanya ang kanyang civil at political rights at kasama na rito ang kanyang karapatan na kumandidato sa eleksyon.
Leonard Basilio