PINAYUHAN ng Palasyo ang publiko na kumain na lang ng NFA rice kapalit ng commercial rice na mas mahal ang presyo ngayon.
Pahayag ito ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa gitna ng patuloy na pagtaaas ng presyo ng mga noche buena items at bigas.
Sinabi ni Valte na mismong ang ekonomistang si Pangulong Benigno Aquino III ay alam na hindi niya puwedeng pakialaman ang presyohan ng mga bilihin.
Maaari lamang aniyang atasan ng Pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) na i-monitor ang presyo ng mga bilihin at sampahan ng reklamo ang mga negosyante sakaling magsamantala sa consumers.
Giit ni Valte, hindi nila pwedeng diktahan ang mga negosyante at manufacturers na magbaba ng presyo ng mga produkto ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Nauna nang kinuwestiyon ng ilang consumers group ang kabiguan ng gobyerno na mag-utos sa mga negosyante na ibaba ang presyo ng bigas, karneng baboy, manok at iba pang noche buena goodies dahil umabot na sa mahigit sampung piso ang ini-rollback ng presyo ng diesel at gasolina kada litro sa nakalipas na ilang buwan.
Rose Novenario