ELEVEN taon na lang, pakikinabangan ko na ang magagandang benepisyo para sa senior citizen. Mga diskuwento sa iba’t ibang establisimiyento partikular na sa gamot. Sarap buhay.
Parang gusto ko na tuloy maging isang senior citizen na. Ayos ba?! Bakit? Inaayos na kasing mabuti ang iba’t ibang benepisyo para sa SC.
Hindi lingid sa ating kaalaman na may 20 porsiyento nang nakukuhang diskuwento ang mga SC natin. Iyan ang legacy na iniwan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos para sa ating mga lolo’t lola.
Ngunit sa mga nagdaang taon, maraming establisimiyento ang magugulang sa pagbibigay ng diskuwento – hindi ibinibigay ang buong 20 porsiyento lalo na sa mga restoran at iba pa. May ilan o marami-rami rin establisimiyento lalo na ang drug store ang hindi nagbibigay ng 20% diskuwento para sa gamot.
May mga hotel ang hindi rin nagbibigay ng diskuwento para sa mga promo — dahil promo na raw ito kaya hindi na kailangan pang bigyan ng diskuwento ang SC. Mali! Oo maling-mali ito, ayon sa batas. Promo man daw ito ayon sa batas ay kinakailangan pa rin mabigyan ng diskuwento ang isang SC para dito. Iyon ang tama ngunit, pilit na nagbubulag-bulagan sa pagbibigay ng diskuwento ang maraming establisimiyento.
Kaya, dahil sa mga reklamong ito, ipinanukala ni Sen. Grace Poe na amyendahan ang batas para sa tamang implementasyon nito. Magkaroon ng uniform guidelines para sa diskuwento.
Tama ‘yan Madame Senadora, marami po kasi mga ‘tado establisimiyento na tumatarantado sa mga SC natin. Saan makikita itong mga ‘tadong establisimiyento? Karamihan ay nasa mga lalawigan.
Katunayan, biktima nga rin ang nanay ko ng mga ‘tadong establismiyento. May mga drug store sa Tuguegarao City ang hindi nagbibigay ng 20% discount sa tulad niyang SC.
Napipilitan na lamang daw silang bumili kahit wala nang diskuwento dahil kung minsan ay wala naman kasing stock na gamot sa pinagbibilhan nilang malaking kilalang drug store na nagbibigay ng 20% diskuwento.
Hindi lang ‘yan, marami rin doctor ang hindi nagbibigay ng diskuwento para sa kanilang professional fee lalo na kung check-up lang daw.
Iyan ang kalagayan ng mga SC natin ngayon, hindi iginagalang ng maraming establisimiyento ang kanilang privileges.
Naku, ‘wag kayong ganyan, tatanda rin kayo mga hinayupak na mga nagmamay-ari ng mga establisimiyento.
Pero mabuti na lamang at nakarating ito sa kaalaman ni Sen. Poe. Kaya hayun, kanya nang ipinaaayos mabuti kaya nagpapatawag ng isang senate inquiry.
Kaya sa mga SC natin, ‘wag na pong mag-alala, maaayos din po ang lahat.
Siyanga pala Madame Senadora Poe, isama na rin ninyo sa panukala ang kaparusahan sa mga mahuling establisimiyento. Pagmultahin ng 100% base sa halaga ng bibilhin ng isang SC bukod sa kulong na 6-buwan hanggang 6-taon para magtanda ang mga ‘tadong nagmamay-ari ng mga establisimiyentong hindi nagbibigay ng diskuwento.
Oo ikulong mga ‘tadong negosyante!
Kaya sarap na talaga ang maging isang SC, inaayos nang mabuti ang lahat. Kamakailan lang ay inaprubahan na ang batas para sa SC hinggil sa kanilang Philhealth. Awtomatikong miyembro sila ng Philhealth at hindi na magbabayad ng premium. Ayos!
Salamat po Panginoon sa mga taong inyong ginamit para sa SC.
Almar Danguilan