Nahaharap sa kasong graft and corruption si Commission on Higher Education (CHEd) Chairperson Patricia Licuanan dahil sa ilegal na pagpasok sa kontrata sa isang pribadong kompanya.
Si Licuanan ay pormal na sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ni Fr. Joel Tabora, SJ, pre-sident ng Philippine Accrediting Association of Schools, Colleges, and Universities (PAASCU) at ng legal counsel na si Atty. Joseph Noel Estrada ng GE Law firm.
Ang reklamo ay base sa Memorandum of Agreement na may petsang April 21, 2014, na nag allocate ang CHEd ng P10 milyon sa PCS para sa pagtatag ng accrediting body na PCS-Information Computing Accreditation Board (PICAB).
Ipinahayag ng PAASCU, nilabag ng CHEd chair at ni Mr. Querubin ang RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act partikular ang Sec. 3 (E) and (G).
Hindi umano sinunod ni Licuanan ang procurement law sa pagpasok sa MOA sa halagang P10 milyon mula sa salapi ng bayan.
Hindi rin umano kwalipikado ang PCS sa nasabing serbisyo dahil hindi ito isang accrediting agency.
Nilabag ng opisyal ang umiiral na accrediting bodies sa ilalim ng Federation of Accrediting Agencies of the Philippines (FAAP), kung kaya’t ang pagpasok ng kontrata ay hindi makabubuti sa gobyerno at sa complainant.
Hindi nagbigay ng pahayag ang CHEd dahil pag-aaralan pa nilang mabuti ang inihaing kaso bago magbigay ng komento.