ISINALIN na ng pamahalaan sa wikang Filipino ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), na nakabinbin sa Kongreso upang lubos na maunawaan ng mga pangkaraniwang mamamayan, partikular ng mga taga-Mindanao.
Isinapubliko kahapon sa isinagawang forum ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang 78-pahinang dokumento na House Bill No. 4994 na isinalin sa Pambansang Wika ni Roberto Anonuevo, KWF director general.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na isinalin sa Filipino ang isang panukalang batas dahil ito’y ginagawa lamang nila sa mga ganap ng batas.
Hiniling aniya ng partylist-group na Anak Mindanao sa KWF ang pagsasalin sa wikang Filipino ng BBL upang magamit nila sa pagpapaliwanag sa mga taga-Mindanao lalo na’t isasalang sa plebisito ang pag-aapruba rito.
Sinabi niya na upang magampanan mabuti ng KWF ang trabahong pagsasalin sa Pambansang Wika sa mahahalagang dokumento, gaya ng mga batas, nananawagan siya na dagdagan ang budget ng komisyon sa P100 milyon mula sa inilaang P41 milyon sa 2015.
Rose Novenario