07CAGAYAN DE ORO CITY – Naglunsad nang malawakang manhunt operation ang pulisya kaugnay sa grupong nasa likod ng panibagong pambobomba sa isang unit ng Rural Transit Mindanao Inc., (RTMI) bus na nangyari sa Brgy. Dologon, Maramag, Bukidnon kamakalawa.
Inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office PIO, Supt. Bernard Mendoza, batay sa opisyal na data na kanilang nakuha, umabot na 11 pasahero ang namatay habang 42 ang sugatan.
Ang mga nakaligtas ay naka-confine sa magkakaibang pagamutan sa Bukidnon.
Sinabi ni Mendoza, may mga teorya na silang sinusundan.
Habang inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson, Insp. Jiselle Longgakit, mayroong grupo na silang tinututukan na posibleng responsable sa nabanggit na bus explosion.
Gayonman, hindi muna tutukuyin ng pulisya ang nabanggit na grupo habang wala pa silang hawak na sapat na mga ebidensiya.
Una rito, sa inisyal na ulat, kinilala ang kabilang sa namatay na mga pasahero na sina Kim Lloyd Vallente, Catherine Villahermosa, Anecita Santilla, Johanne Valdeso, John Bernard Conahap, Jonathan Vareda, Mariel Achocoso, Nizrille Gonzaga at Michael Bostos.
Kaugnay nito, magsasagawa ng isang prayer rally ang mga opisyal at mga mag-aaral ng Central Mindanao University (CMU) upang kondenahin ang pangyayari at manawagan ng hustisya para sa mga biktima.
Sinasabing nagmula sa bayan ng Wao, Lanao del Sur ang bus at patungong Cagayan de Oro City na minaneho ng isang Jimmy Arnaiz, nang pasabugin ng improvised explosive device (IED) na nakasilid sa sako, pagdating sa nasabing bahagi ng Bukidnon.
Marami ang naging biktima dahil sa inilagay ang bomba sa halos kalagitnaan at itaas ng bus.