PINAGPAPALIWANAG ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) ang Jarton Security Agency, makaraan kumalat sa social media ang footage ng dalawang security guard ng isang mall sa Taguig City na gumamit ng M-16 rifle at baseball bat sa pag-awat nila sa ilang nag-aaway na customer sa isang fastfood chain.
Ayon kay PNP-SOSIA director, Chief Supt. Noel Constantino, nais nilang i-validate ang footage dahil sa unang panonood dito ay tila may paglabag na aniya sa code of conduct ang dalawang security guard.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-SOSIA, lumalabas sa record na walang M16 rifle na idineklara ang Jarton security agency na pagmamay-ari nila at ginagamit sa loob ng mall.
Sinabi ni Constantino, ang ganitong uri ng mataas na kalibre ng baril ay ginagamit lamang sa high risk area at nangangailangan ito ng duty detail order.
Giit ni Constantino, sa sandaling mapatunayang may paglabag, hindi lamang ang dalawa nilang security guards ang maaaring masuspinde o matanggalan ng lisensiya, kundi mismong ang kinabibilangan nilang security agency.
Inihayag ng opisyal na maaaring magsampa ng kasong criminal ang mga indibidwal na natutukan ng M16 rifle ng dalawang security guard.