WINASAK ng Bagyong Ruby ang bagong gawang Tacloban City Airport.
Magugunitang unang winasak ng bagyong Yolanda ang naturang paliparan noong nakaraang taon, at sa paghagupit ngayon ni Ruby, inilipad ang bubong ng arrival at pre-departure area ng airport.
Bumagsak din ang kisame at roll-up door, at pinasok ng baha ang pre-departure area.
Sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Tacloban City Airport Manager Antonio Alfonso, sagutin ng “Yolanda” contractor ang panibagong sira.
“Hindi pa po ito naiti-turnover sa atin so sagutin pa po ng contractor ito,” ani Alfonso. “Ginagawa nila ngayon ‘yung clearing operations.”
Target ng CAAP maibalik ang normal na operasyon ng paliparan sa Miyerkoles.
“Tinatantiya ko po within two days maibalik natin ‘yung pasilidad, ‘yung pre-departure, para maibalik ang commercial flights,” ani Alfonso.
Samantala, sinira ng bagyong Ruby ang ‘Tent City’ na itinayo ng United Nations (UN) sa Brgy. Baybayin, San Jose, Tacloban para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Ngunit ayon sa mga opisyal ng barangay, noon pa’y hindi na ito pinatitirahan sa mga residente dahil mayroon nang mga bunkhouse para sa kanila.
Gayonman, hindi pa rin mapigilan ang mga residente na bumalik sa Tent City dahil sa lapit nito sa dagat kung saan sila nangingisda.
Walang napahamak sa mga nakatira roon dahil nakalikas na bago pa manalasa ang bagyo.