BALAK ng kampo ni PNP Chief Police Director General Alan Purisima na humirit ng Temporary Restraining Order (TRO) kaugnay sa ibinabang kautusan ng Office of the Ombudsman na anim buwan preventive suspension dahil sa maanomalyang kontrata na pinasok ng PNP sa isang Courier services na nagde-deliver ng gun licenses sa gun owners sa buong bansa.
Ayon kay PNP PIO, Chief Supt. Wilben Mayor, nakatakdang maghain ng TRO ang PNP chief sa Court of Appeals (CA).
Giit ni Mayor, sakaling pumabor sa panig ni Purisima ang inihaing TRO, mananatili pa rin sa kanyang posisyon ang PNP chief ngunit magpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa nasabing anomalya.
“The best legal remedy is to avail of a TRO kasama ito ang iba pang PNP officials na sangkot sa nasabing anomalya”, pahayag ni Mayor.
Una rito, ipinag-utos ng Ombusdman na isuspinde si Purisima kasama ang ilan pang PNP officials, dahil sa pagkakasangkot sa P100-million contract sa Werfast Documentation Agency.
Habang nasa official travel si Purisima na nagtungo sa Kingdom of Saudi Arabia, si Deputy Director General Leonardo Espina ang itinalagang officer-in-charge sa 150,000-strong PNP organization, ngunit hanggang ngayong araw lamang, Disyembre 9, ang pagiging OIC ni Espina.
Ayon kay Mayor, sa ngayon ay wala pang abiso ang Department of Interior and Local Government sa kung sino ang itatalagang OIC.
Nitong Biyernes, bumalik na ng bansa ang PNP chief at itinanggi ang kanyang pagkakasangkot sa nasabing maanomalyang kontrata.